ISANG PAGTATAYA
Nagmula sa salitang Latin na “religio” ang salitang “relihiyon” na may tatlong posibleng kahulugan. Gaya nga ng nabanggit na sa klase maaaring ibig sabihin nito ay re-legere o isang muling pagbasa. Naangkop ito dahil ang mga pinakadominanteng relihiyon sa mundo ay mayroong mga kasulatan na pinanghahawakan. Ito ang paulit-ulit binabalikan upang basahin, pagmuni-munihan tungkol sa kung paano ba sila dapat mamuhay ayon sa Diyos nila. Maari rin naman ang religio ay nagmula sa re-ligare na ang ibig sabihin ay isang pagtatali gaya nga halimbawa ng pagsunod sa nakagisnang relihiyon ng magulang o kinalakihan kahit na wala naman talagang buong pusong pagtalima dito. At panghuli, maaring nagmula rin ito sa salitang re-eligere o isang pagpili.
Ang pangatlong kahulugan na ito ang gusto kong pagmunihan. Ang relihiyon sa salitang Filipino ay pwedeng isalin bilang pananampalataya. Kaya nga maaring itanong, bagamat magtutunog kang mula sa panahon ni kopong popong, kung ano ang pinanampalatayanan mo? Ano ang relihiyon mo? Ano ang pinaniniwalaan mo? At kung titingnan ang salitang-ugat ng pananampalataya maaring galing ito sa dalawang salita na “sampa” at “taya”. Kung gayon, higit na lalawak ang pagmumuni sa pagbanggit ng mga salitang ito. Dahil hindi na lamang isang simpleng relihiyon ang relihiyon. Hindi na lamang naniniwala sa wala, at nakasandig sa kawalan ang isang pananalig. Isa ito kung gayon isang pagsampa at tuluyang pagtataya.
Sumpa ng Pagsampa
Laging may sumpa ang pagsampa. Tila isa itong pagsakay sa kung anumang sasakyan na nangangailangan ng isang pag-igpaw mula sa isang ligtas na lugar patungo sa isang gumagalaw, niyuyugyog at nililigalig na katiyakan. Sabi nga, isa lamang ang bagay na tiyak, tiyak ang kawalang-katiyakan. Wala akong maalalang imahen na hihigit pa para maisalarawan ito bukod sa kuwento ni Pedro sa Bibliya noong una at huling beses niyang maglakad sa tubig. Ngunit baligtad ang senaryong ngayon dito. Mapapansin sa kuwentong iyon na nasa loob na sila ng bangka. Pumalaot sila papunta sa kabilang panig ng lawa ng Galilee. Ngunit binayo ng bagyo ang kanilang bangka at napuno sila ng takot. Maya-maya makikita nila ang isang tila multo na naglalakad sa tubig at nagsasabing siya si Hesus. Isang hamon ang binigay ni Pedro: kung tunay ngang siya si Hesus, hayaan din niyang lumakad si Pedro sa tubig. Halika! Tugon ni Kristo na hamon sa hamon ni Pedro, na sumampa hindi papasok sa mas ligtas na bangka, kundi sa isang mas niliglig na daluyong ng tubig. Halika.
At ganito rin maisasalarawan ang buong karanasang relihiyoso. Isang pagtugon sa hamon na iyon. Halika, lumapit ka, nang makita mo at maranasan mo.
Ngunit tila ito laging may balakid. At iyon ang pinag-uusapan ng mga tanong na naibigay sa klase. Tila naging sumpa ang mga sinampaang sitwasyon. Halimbawa, mapapansin na sa isang karanasang relihiyoso, kinakailangan makilala ang isang Diyos na siyang magbibigay ng karanasan. At pansinin din na hindi ang tao ang nagbigay pangalan sa Diyos kundi ang Diyos mismo. Gaya nga ng sinabi ni Ricouer, isang pangalan na walang sinuman ang makakabigkas talaga dahil ang pangalan na ito, ang YHWH, ay walang mga patinig, at tila nauutal at napapatigil ang sinumang bumabanggit nito. Bukod doon, may literal ding sumpa ang sinumang bumigkas ng pangalan na iyon at nailagay mismo sa sampung utos ng Diyos. “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan.” (Deut 5:11)
Pero biglang may isang pagkakataon sa kasaysayan ng mundo, ibabalita ng isang anghel sa isang mahirap na karpintero sa isang mahirap na bansa ang pangalan ng isang Diyos na nagkatawang lupa upang iligtas ang sangkatauhan. “Pangangalan mo siyang Hesus…” Isang pangalan na napakakaraniwan. Pangalan na kayang banggitin ng sinuman. Pero sasabihin ni Kristo paglaon na siya ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Siya ang pinto, siya ang mabuting pastol, siya ang tunay na puno ng ubas. Siya ay siya nga. Ako si Ako Nga. Ang pangalang hindi mapangalanan. Ang pangalan na walang sinumang makabanggit ngunit lagi namang bukambibig ng mga tao. Hindi ba ako pakakasumpain kung babanggitin ko ang pangalang ito? Pero ang sabi nga ni Pedro paglaon, walang pangalan ibinigay ng langit, bukod kay Hesus para sa kaligtasan ng mundo. Nasa pangalan ba na ito ang kaligtasan, hindi ang sumpa ng kamatayan?
Tila laging alingawngaw ang mga paanyaya ni Kristo: Halika, lumapit ka. Halika. Sasampa ka ba kahit tila may sumpa iyon. Bababa ka ba sa bangka gaya ni Pedro patungo sa niliglig ng daluyong at kawalang-katiyakan? Maaawit mo ba o mababanggit man lang ba ng iyong mga dila ang mga salitang ito ng matandang tula sa Tagalog:
May bagyo ma't, may rilim
Ang ola'y, titiguisin,
Aco'y, magpipilit din:
Acquing paglalacbayin
Toloyin cong hanapin
Dios na ama namin.
Ang ola'y, titiguisin,
Aco'y, magpipilit din:
Acquing paglalacbayin
Toloyin cong hanapin
Dios na ama namin.
Mga Punto at Pagtataya
Kung ipagpapatuloy pa ang mga naiwang tanong sa itaas, maibubuod ito sa isang tanong: magtataya ka ba? Kung tutuusin ito naman ang madalas gawin ng bawat tao sa mundo, hindi lang ang mga sugarol sa kung saang pasugalan sa kanto o kasino o yaong mga bata sa kalye na natutong magtaya sa kanilang mga laro ng mga pag-aari nilang teks o holen. Ang tao sa bawat desisyon niya ay nagtataya. Mula sa simpleng pagkain, na tinataya mo na mas masarap ang isang putahe kaysa sa iba patungo sa mas mga kumplikadong bagay gaya ng pag-aasawa o pakikipagrelasyon, na mas magiging maligaya ka sa piling ng isang taong ito kaysa sa iba. Kung iuusad pa nga bawat bagay sa mundong ito ay representasyon ng pagtataya. Ang upuan ay upuan dahil nagtitiwala tayo na kapag umupo tayo dito hindi ito bibigay. Nagtitiwala tayo na kapag binuksan ang ilaw, iilaw ito at magbibigay ng liwanag.
Sa isang nobela ni Edward Abbott na pinamagatang The Flatland, babanggitin doon ang itsura ng lahat ng mga naninirahan sa Flatland. Wala ka doong makikita bukod sa mga linya. Dahil nakikita nila ang kanilang sarili sa pamamagitan lamang ng dalawang dmensiyon (2D o sa matematika, sukat at haba lamang at wala ang lapad). Madalas makita nila ang kapwa nila mamamayan bilang linya lamang sa kung paraan kung paano natin makita ang isang barya sa nibel o taas na kapantay ng ating mga mata. Bilog nga ang isang taong makakasalubong ng isang mamamayan ng Flatland pero para sa nakakita isa lamang itong linya. Bukod doon kung malayo sila sa isa’t isa, nakikita nila ang iba bilang mga punto o tuldok na lamang. Hindi nila mawari kung anong hugis ba sila talaga. At kinakailangan pa ng isang nilalang na nagbuhat sa labas at nakaranas ng tatlong dimensiyon (3D) upang sabihin na hindi sila mga punto o linya. Na ang isang simpleng parisukat o parihaba pala ay isang kahon. Na ang isang simpleng bilog ay hindi lamang bilog kundi isang sphere at ang isang tatsulok ay hindi lamang tatsulok kundi isang piramide o isang cone. Ngunit ang punto, maniniwala ba sila sa sinasabi na iyon ng isang nakaranas ng tatlong dimensiyon? Magtataya ba sila?
At dito ang punto ng pagtataya. Bagamat tila walang direksiyon ang lahat at naiiwan o naiipit tayo, ayon sa wika ni Marion, sa isang aporia, hindi maaaring ipagpaliban ang mga tanong na ito. Kailangang sagutin ngayon at ngayon na. Sabi nga sa Tagalog, nasa balag tayo ng alanganin. At kung tutuusin bawat isa ay nasa bingit ng kamatayan. Kailangan kung gayon malaman kung paano mabuhay. Kailangan kong makilala ang Diyos na ito. Kailangan kong hanapin, tawagin bagamat hindi ko naman maisigaw ang pangalan nito. Kailangan kong makita siya bagamat hindi naman talaga siya makikita ng aking mata. Pero hindi ba ito ang pananampalataya? Isang pagsampa patungo sa kung saan na hindi makita ng basta mata lamang at pagtataya na kahit ano mang kawalang katiyakan ang naroon, mayroon at mayroong aakay sa akin paahon sa tubig na ito gaya ng nangyari kay Pedro. Isang pagtataya, o kung baga isang pag-asa ito na bagamat tila walang saysay ang mga bagay-bagay, tila tuldok lamang o mga linya lamang ang aking nakikita gaya ng mga mamamayan sa Flatland, masasambit ko ang ilang mga salita gaya ng sinabi ni Marcel “..to hope against all hope…I assert that a given order shall be re-established, that reality is on my side in willing it to be so. I do not wish. I assert; such is the prophetic tone of true hope.”
Naniniwala ako, nagtitiwala ako kahit walang-wala ako.
Gaya ni Descartes sa kanyang Meditaciones, gusto ko tapusin ang mga pagmumuni na ito, ang mga pagtataya na ito sa pamamagitan ng isang panalangin din. O higit pa, sa isang diona, isang awit ng pag-ibig, isang awit ng pagtataya.
DIONA SA DIYOS
Lahat ay nahuhulog
bulalakaw o unos,
inuulos ang moog
ng aking pananalig,
iniiwang nakatirik
itong posteng naliglig
ng aking alinlangan.
Di ko maintindihan,
parang may kahulugan.
No comments:
Post a Comment