HULING ARAW
Linggo-linggo na lang ang lindol
ngayon. Iniiwang wasak ang maraming pader
ng katiyakan. Iniiwang may lamat
dili kaya’y binitak-bitak ng pangamba.
Nagsisimula na ba ang wakas
ng mundo? Minsan itatanong natin
habang nakikinig sa radyo o kaya’y diyaryo.
Ngunit gaya ng yero sa bubong
na tinangay ng bagyo, aanurin ito
patungo sa kung saang pusalian
ng ating kawalang-pakialam. Walang
saysay ang gayong salaysay.
Sasabihin ng historyador na batbat
ang kasaysayan ng mundo ng kung anu-
anong trahedya. Sasabihin ng pilosopo
na malaking trahedyang tayo’y nasa mundo
Bigla, tila granadang sasabog
Sa ating harapan ang mga napipintong digmaan.
Yayanigin tayo ng takot. Magkukubli
tayo sa paninindigang lumaban. Tatawag
tayo sa kung sinu-sinong mesiyas
ng ating pangangailangan. Ngunit
hahamakin natin ang mga nagdarasal
ng tagapagligtas mula sa alapaap.
Kaybagal ng inyong tinatawag.
Silang makakapal ang palad at maninipis
ang utak.Silang mga wala bukod sa isang kutsarang
asin, bagoong o kanin. Silang may iilang
kusing Tila natatanging barya ang paghawak
nila sa ganoong pag-asa. Tila,
tila mayroon silang tayo’y wala.
No comments:
Post a Comment